Pagkatapos nang isang malakas na buntong hininga, ang unang lumalabas na salita sa akin ay “nakakapagod.” Madalas ko na itong maramdaman tuwing papasok ako sa mga klase. Pinipilit ko na ang sarili kong ihakbang ang mga paa patungo sa trabaho. May kadalasan na rin ang pagkakaroon ng mga pagninilay, lalo pagdating nang hatinggabi. Umiikot sa mga tanong kung may “sense” pa ba ang karamihan ng ginagawa ko at kung worth it pa bang maging guro.
Isa lang marahil ako sa lumalaking bilang ng mga gurong nakararamdam ng kakaibang umay sa kalagayan ng ating edukasyon. Sa katunayan, sa isang dekada ko pa lamang na nagtuturo, malinaw na nauupos na ako sa mala-makinang estado ng mga guro (o lahat manggagawa) sa lipunan. Umiikot tayo sa isang proseso ng paggising sa araw-araw, maliligo, papasok sa trabaho, uuwi ng bahay. Kung tutuusin, halos 12 oras naman talaga ang nakokonsumo natin mula sa paghahanda bago pumasok hanggang sa pag-uwi galing sa trabaho. Taliwas ito sa anim o walong oras na bilang daw ng pagtatrabaho. Hindi nabibigyang diin ang mga gawain at paghahanda bago pumasok o papauwi galing sa trabaho. Kasabay pa nito ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon ng bansa. Malaking bahagdan ng mga manggagawa ang patuloy na nakararanas nito.
Bagamat parang walang pag-asa ang naging bungad ko, mahirap ikailang may makataong bahagi ang edukasyon. Isa ito marahil sa mga nagtutulak na manatili ako at karamihan sa pagiging guro. Sa tuwing nagtuturo ka, hindi ka lamang naglalapat o naghuhulma ng kaalaman sa mga mag-aaral; hinuhubog at sinasalok mo kung ano iyong likas na kaisipan at pagkatao nila bilang aktor ng lipunan. (Hindi ko ito orihinal na ideya. Hango ito sa magkakahalong pananaw ng mga kilalang pilosopo at pilosopo ng edukasyon, mula kay Rousseau, Freire, Chomsky at iba pa.)
Sa ganang ito, masasabing mayroong koneksiyon ang guro at mag-aaral, binabalangkas nila ang hangganan at sakop ng kanilang pagkatao. May ugnayang nabubuo sa pagitan ng isang guro at estudyante — human connection, hindi ekonomikal at transaksiyonal na koneksiyon. Isang halimbawa nito ay ang mga pagkakataong naa-appreciate ka ng mga bata — mga simpleng salita na “Salamat, Ma’am o Sir” dahil natulungan mo sila o nagabayan mo silang tulungan ang kanilang sarili.
Sa kasamaang palad, ang lagay ng mga guro sa lipunan ay hindi na kayang kumapit sa ganoong paliwanag o dahilan na lamang. Palasak nang kasangkapanin ang “guro” bilang konsepto, may espasyo nang mataas na ekspektasyon at kritisismo para sa kanila. Pinaaambunan sila nang paulit-ulit na papuri’t pasasalamat, ngunit hindi nabibigyang tugon ang mga problematikong sitwasyon nila — halimbawa, ang mababang sahod, tambak na rekisito, at marami pang iba.
Ang Oktubre ay World Teacher’s Month. Matutunghayan na naman natin ang mga nakaugaliang pahayag at handog sa mga guro, gaya ng “My teacher, my hero,” mga awit at sayaw, mga pasasalamat sa malaki at mahalagang ambag ng hanay ng mga guro sa lipunan. Sa katotohanan, hindi na dapat magkaroon ng argumento kung may halaga ang mga guro at kung dapat ba silang pasalamatan. Mayroon nang malinaw na sagot dito: sila ay mahalaga at karapat-dapat pasalamatan (maliban sa mga gurong may mga kasong seksuwal at korupsiyon). Ang dapat nang tugunan ay ang pagtupad sa mga pangakong paunlarin ang kanilang kalagayan.
Sa mga pagkakataong nakikipagbundulan ka para makasakay at makapasok sa trabaho, masakit sa mata ang mga balitang may mga kawani at opisyal ng pamahalaan na sobrang taas ng sahod ngunit hindi makitaan ng karunungan, husay, malasakit, at makataong karakter. Sa tuwing pupunta ka sa mga ahensiya ng gobyerno, may mga pagkakataong makatatagpo ka ng masusungit na personnel at para kang tumapak sa nasasakupan nilang kaharian kung sigawan at pagalitan ka. Nakakagalit isiping mas mahigpit pa sila sa mga hinihingi sa mga ordinaryong manggagawa, kagaya sa mga guro para makapagturo, kaysa mga tumatakbong opisyales (na sobrang kuwestiyonable na nga ang background at may mga kaso ng korupsiyon, mananalo pa).
Napakasayang paunlarin ng kaalaman, ngunit napakahirap itong gawin sa isang sistemang may kambal ngunit nagbabanggaang layunin na himukin at hadlangan ang iyong kilos. Hinihikayat kang mag-aral ng iyong masterado at doktorado, sa kabilang banda tatambakan ka ng sari-saring trabaho.
Sa kasalukuyan, malaking dagok din ang implementasyon ng Saturday make-up classes, gawa na rin ng sunod-sunod na sakuna na nag resulta sa magkakasunod na kanselasyon ng klase. Mahalaga ang make-up classes sa mga pagkakataong masyadong madaming kanselasyon. Ang kaso, hindi lahat ay nagkaroon ng tuwirang konsultasyon, at hindi rin napagmunihan ang makataong tugon. Sana’y napag-isipan na magbigay ng wastong bayad sa mga gurong magsasakripsyo ng kanilang araw ng pahinga. Malaking bahagdan ng guro at mag-aaral (lalo na ang mga working student) ang tutol sa madaliang implemenetasyon ng Saturday classes dahil dagdag na naman ito sa bundok ng mga dahilan kung bakit patuloy na nauupos ang guro. Napakalaking kontradiksiyon ng ganitong kaso sa gitna ng selebrasyon ng Buwan ng mga Guro.
Tama nga siguro si Dr. Joselito D. De Los Reyes sa kanyang artikulo sa Rappler, baka ito na lalo ang magtulak sa mga guro na sila naman ang magsabi na, “Teacher kami. May we go out?“ Sa kasalukuyan, patuloy na lumalaki ang bilang ng mga guro na nag-aambisyon na magkapagturo sa ibang bansa. Nagtutulak sa kanila ang pangako ng mas mataas na sahod, at kahit papaano ay magaan na workload (nakadepende kung saang bansa, at kailangang maingat na maisakonteksto). Ang mas nakagugulat ay mas maraming batang guro ang may ganitong pananaw. Nakababahala ang problemang ito at dapat malapatan ng konkreto at agarang solusyon kung ayaw nating isang araw ay wala nang gustong maging guro.
Nakakaupos man ang kalagayan nang mga guro, hindi naman maitatangging huwaran sila at malaki ang ambag nila sa lipunan. Iwasan lang sana na taon-taon ay niro-romanticize bilang sakripisyo ang nakakapanlulumong kalagayan nila. Kasabay ng mga sakripisyo nila para hubugin ang mga susunod na henerasyon, kinakailangan ding tugunan ang pagkatao nilang nasasakripisyo dahil sa lumiliit na espasyong nagagalawan nila sa lipunan. Maligayang Buwan ng mga Guro! – Rappler.com
Si Arnel Joseph V. Cadiz ay nagtapos ng Bachelor ng Edukasyon, Dalubhasaan ng Agham Panlipunan, sa National Teachers College. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Master of Arts in Education, Dalubhasaan sa Pilosopiya ng Edukasyon, sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.